Ayon sa statistics ng LTO, noong 2008, may 2,360,304 na motorsiklo at trisikel sa lansangan ng Pilipinas, o 40% ng mga kabuuang sasakyan sa buong bansa na bumibilang ng 5,891,272.
Ibig sabihin, halos kalahati ng sasakyan sa atin, mga motorsiklo at trisikel at lumalaki ang bilang taon-taon. Dahil sa laki ng demand ng mga motorsiklo, maraming mga dealer ang parang kabuteng nagsusulputan. Sa halagang P1,000 maari mo nang maiuwi ang motorsiklo in installment basis. Yung iba pa nga zero down payment.
Dahil sa kamurahan, yung iba hindi na nag-iisip. Bahala na si batman kung saan kukunin ang pang-bayad buwan-buwan, basta maiuwi lang ang motor. Pagdating sa bahay, kukulayan ng pink at lalagyan ng napakaingay na tambutso.
Paano kung kinapos ng pambayad ng monthly installment? Maari bang isauli na lang ang motor at quits na ang utang? Paano ang mga hindi nabayarang buwan at ang pinambayad na downpayment, saan mapupunta?
THREE ALTERNATIVE REMEDIES OF A SELLER
Ayon sa Art. 1484 ng New Civil Code o yung tinatawag na “Recto Law,” kapag bumili ng personal property ng installment o hulugan, ang remedyo ng nagbenta o dealer kapag hindi nakabayad ay:
1) Singilin ng buo ang bumili;
2) Kanselahin ang bentahan kung hindi nakabayad ng dalawa o higit pang installments; o
3) Kunin ang bagay na binili, isubasta at ipambayad ang kinita sa utang, kung hindi nakabayad ng dalawa o higit pang installment.
Ang tatlong remedyo ng nagbenta ay alternative. Ibig sabihin, kung ibinalik na sa dealer ang motorsiklo, hindi na pwedeng maningil ng kakulangan o deficiency. Quits na ang utang. Pero kung ayaw tanggapin ng dealer ang motorsiklo dahil mababa na ang halaga kumpara sa utang, karapatan ng dealer na singilin ang natitirang utang.
Ngunit hindi pwedeng bawiin ng dealer ang motorsiklo at singilin pa ang utang. Ganid na ang tawag dun. In either case, hindi na mababawi ng bumili ang installments at down payment. Nasa dealer ang pagpapasya o option kung babawiin ang motorsiklo o sisingilin ang utang.
Pero sa hirap ng buhay, ang pagbawi ng motorsiklo ang pinaka-praktikal na gawin. Kasi kung hindi pa tatangapin ng dealer ang motorsiklo kahit ibinabalik na ito ng bumili, paano pa makakasingil ang dealer e wala na ngang pambayad yung tao? Kaya nga binabalik na ang motorsiklo in the first place.
Hindi kailangan nasa good order condition ang motorsiklo kung ibabalik. Kahit laspag na ito, walang gulong o makina, hindi na problema ng bumili yun. Kapag tinanggap ng dealer ang motorsiklo in whatever condition, hindi na siya makakasingil kahit singkong duling. Parang hindi patas ‘di ba? Ang batas kasi na ito ay isang social legislation. Ginawa ang batas upang hindi abusuhin ng mga dealer ang mga mamimili, katulad ng “Maceda Law” sa lupa.
Dati kasi inaabuso ng mga nagbebenta ang mga namimili. Binabawi na ang bagay na binili, forfeited pa ang down payment at installments na binayad, tapos sisingilin pa ang natitirang utang. ‘Di ba malupit?
Kaya ngayon, kapag binawi na ang biniling gamit, hindi na pwedeng maningil pa ang dealer. Ang Recto Law ay applicable sa lahat ng sale of personal property on installment basis. Pwede ito sa mga appliances, kotse, alahas, etc.
LOAN WITH CHATTEL MORTGAGE
Hindi applicable ang Recto Law sa isang loan secured by chattel mortagage na financed ng mga bangko. Magandang halimbawa nito ay yung typical na car loan. Ang pinagkaiba kasi, hindi “sale on installment” ang transaksiyon kundi simpleng utang at sanla. Hindi kasi “seller” ang banko kundi isang financing institution o nagpapautang lang.
Ang dealer ay binabayaran na ng bangko, at ang bangko na ang maniningil sa umutang. Kung hindi applicable ang Recto Law, ibig sabihin, kahit bawiin ng bangko ang sasakyan at i-foreclose o subasta, technically, pwede pa rin singilin ang deficiency o natitirang utang.
But this is not a hard-and-fast rule. In several cases, the Supreme Court applied the Recto Law in a loan secured by chattel mortgage, applying equity. Sa katunayan, ilang judges dito sa Metro Manila ay ina-apply rin ang Recto Law sa ordinaryong auto loan transaction ng mga bangko at financing companies.
Kasi minsan, hindi na makatarungan na singilin pa kahit nabawi na ang sasakyan. Kung susumahin, tumubo at kumita na ang bangko, kaya hindi na dapat maningil ng kakulangan.
CONCLUSION
To sum it up, dalawa lang ang pwedeng mangyari, ibalik ang motorsiklo sa dealer o singilin ang buong utang. Kung ayaw nang tanggapin ang motorsiklo, maari kang kasuhan ng dealer at ipa-sheriff. Ang tanong, may makukuha pa ba ang sheriff sa yo?
At bago ka mag-comment, sasagutin ko na dito – walang nakukulong sa utang at hindi ka makukulong kung wala kang pambayad. Hindi ka rin pwedeng kasuhan ng carnapping kung hindi mo ibabalik ang motorsiklo. Pero kung gugulpihin ka ng mga taga dealership, e hindi ko na sagot yun. Ganun talaga, easy come, easy go.
Art. 1484. In a contract of sale of personal property the price of which is payable in installments, the vendor may exercise any of the following remedies:
(1) Exact fulfillment of the obligation, should the vendee fail to pay;
(2) Cancel the sale, should the vendee’s failure to pay cover two or more installments;
(3) Foreclose the chattel mortgage on the thing sold, if one has been constituted, should the vendee’s failure to pay cover two or more installments. In this case, he shall have no further action against the purchaser to recover any unpaid balance of the price. Any agreement to the contrary shall be void